Ang pagdiriwang ng Ahensiya ng Pangingisda sa pagtatapos ng taon ang nagpainit sa puso ng mga dayuhang tripulante
Post Update by i-edit on 2021-12-09 16:44:43
Upang pasalamatan ang mga dayuhang tripulante sa kanilang ambag sa sektor ng pangingisda sa Taiwan, at upang ipagdiwang ang kapistahan sa pagtatapos ng taon – ang Pasko at ang winter solstice – nag-host ng pagdiriwang ang Ahensiya ng Pangingisda noong ika-21 ng Disyembre sa pakikipagtulungan ng Asosasyon ng mga Mangingisda sa Suao, isang pangunahing daungan sa hilaga-silangang Taiwan.

Isang grupo ng mga kababaihan sa komunidad ang naghatid ng kasiyahan sa pamamagitan ng masiglang musika at sayaw. Sa pamumuno sa pagdiriwang, idinetalye ng Ministro ng Agrikultura na si Chen Chi-Chung ang mahalagang papel ng dayuhang tripulante: ang paggampan ng mahihirap na tungkulin lulan ng sasakyang pangisda ng Taiwanese. “Halos ka-pamilya na” kung kaya karapat-dapat sa mabuting pakikitungo ng mga residente ng bayan ng pangingisda ayon kay Chen. Mahigit sa 400 dayuhang mangingisda ang dumating upang namnamin ang mainit na pakikipagkaibigan at ang diwa ng kapistahan sa araw na malamig at maulan. Sa pangunguna ni Chang Chih-Sheng, ang pinuno ng Ahensiya ng Pangingisda, pinaghandaang mabuti ng mga kalahok na Taiwanese ang paghahanda ng mainit na pagkain sa mga “napakahalagang dayuhang katuwang”. Mayroong umuusok na dumpling na gawa sa malagkit, isang tradisyonal na miryenda ng mga Taiwanese sa pagdiriwang ng winter solstice, at iba pang mga piling pagkain upang mainitan ang sikmura. Ilang pagkain mula sa Timog Silangang Asya, ang nagbigay ng pakiramdam na parang nasa sariling bansa, ang inihain din upang maibsan ang pangungulila sa pagkakataong magtipon ngunit malungkot na nagambala dahil sa Covid-19 pandemic.
 
Nang nasa rurok na ang pagdiriwang, malugod na ipinahayag ni Ministro Chen ang napapanahong hakbang na lalong nagpainit ng puso at katawan, ng mga dayuhang tripulante.

Ang paliguang malapit sa daungan, na sadyang itinayo para sa mga tripulante na walang nauuwian, ay hindi na maniningil ng bayad para sa mainit na tubig. Dati, kailangang gumamit ng debit card ng mga gumagamit nito. Pagkarinig ng balita, kitang- kita ang galak ng lahat ng dayuhang nasa pagtitipon sa pag-asam ng mainit na shower sa taglamig. Ang natatanging serbisyo ay lampas pa sa bayan ng Suao. May kabuuang 45 pwesto na magsusuplay ng libreng mainit na tubig sa pitong iba pang daungan sa palibot ng Taiwan – Keelung Badozi, New Taipei Wanli, New Taipei Shenao, Kaohsiung Qianzhen, Pingtung Donggang, Penghu Magong, Taitung Xingang – kung saan ang mga dayuhang tripulante ay nagtayo ng matitirahan habang malayo sa tahanan at natutulog lulan ng kani-kanilang sasakyang pandagat.
 
Dagdag pa sa mga opisyales na nakatalaga sa mga usaping pampangisdaan, may mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng bansa at ng lehislatura ng Taiwan na nagpasinaya ng okasyon at personal na nagpahayag ng pagkilala sa mga dayuhang tripulanteng pampangisdaan.
 
Bilang pagkilala sa kanilang di-natutugunang pangangailangan, nakahanda ang Ahensiya ng Pangingisda na pahusayin ang mga pasilidad sa mga daungan kung saan natutulog ang mga dayuhang tripulante sa mga nakadaong na barko.

Makipagugnayan kay: Wang Cheng-fan, deputy director-general
E-mail: chengfan@ms1.fa.gov.tw

  • Naka-tag ang artikulong ito: